October 28, 2007 Sunday
Matagal nang pinalilinis sa akin ng mama ko ang working area ko. Lagi ko lang sagot “sa sembreak na po” dahil patuloy ang pagdagdag ko ng gamit at dahil sa dami ng gawain hindi ko naaasikaso samsamin lahat para makuha kung anong pwedeng itapon. Sa dami kasi ng gamit ko halos wala nang mapaglagyan. Kung tutuusin maayos ako sa gamit, may sariling lalagyan ang lahat, sariling folder, sariling envelope, sariling kahon. Ang problema lang e patong-patong. Mas madali ko kasing natatandaan kung saan ko nailagay kung hindi ko na gagalawin.
Paulit-ulit na lang sinasabi sa akin ni mama na “itapon na kasi ang mga dapat itapon”. Siguro dahil sa una, tinatamad lang talaga akong isa-isahin ang gamit ko at pangalawa, nakaayos naman bakit ko pa guguluhin. Pero halatang baluktot ang katwiran ko dahil maliit lang ang bahay namin at halos kalahati ng kalahati e puro gamit ko lang. Siguro nga hindi ako madali makaget-over o makalet-go sa mga bagay-bagay kaya nahihirapan ako basta magtapon. Sa lahat kasi ng bagay sa mundo naniniwala akong bago ka maging ganap na basura kailangang magamit ka ng ilanpung ulit. At naniniwala rin akong darating ang araw na magiging handa akong magtapon.
Hanggang isang araw habang mag-isa sa bahay, walang kausap, walang katext, walang kadamay naisipan kong ayusin ang lahat. Dahil nga sa nakaayos naman e kailangan ko lang talagang magbawas. Sa aking pamimili ng basurang itatapon naisip kong may kanya-kanyang araw talaga ang lahat ng bagay. May mga bagay na mahirap agad itapon, mahirap alisan ng halaga, masakit ibasura. Siguro nga hindi talaga ako yung taong madaling makabitaw pero alam ko sa sarili ko binigyan ko yun ng halaga at hindi itinuring [agad] na isang basura. At ngayon, dumating na ang araw na dapat na akong magtapon. Simple lang ang dahilan dahil wala na rin silang kwenta.
Sigurado na ako ngayon na sa paglipas ng panahon may mga bagay na maiisip mong wala na talagang halaga sa buhay mo. Hindi lang dahil sa nagbabago ang mundo at maraming bagong naiimbento at naisusulat na libro kundi dahil ikaw mismo nagbabago. At ang pagbabagong ito ay kadalasang nakadepende sa iyo. Pipiliin mo bang maging isang bodega ang kwarto mo o itatapon mo ang mga basurang nakatago?
No comments:
Post a Comment